ASEAN leaders naniniwala pa rin na ang immunization ang mabisang pangontra sa sakit

Manila, Philippines – Nananatili ang ASEAN Vaccine Security and Self-Reliance (AVSSR) bilang priority strategy ng ASEAN para sa usapin ng kalusugan.

Sa joint statement na inilabas ng mga ASEAN leaders, sinabi ng mga ito na kinikilala nila ang mga pag-aaral na nagpapakita, na ang immunization ang isa sa pinakamatagumpay na health intervention, lalo at napipigilan nito ang pagkalat ng mga Vaccine Preventable Diseases (VPDs) o ‘yung mga sakit na maiiwasan sa tulong ng bakuna.

Ayon sa ASEAN, batid nila na posible pa ring kumalat sa rehiyon ang mga sakit na ito, lalo at malaki ang populasyon ng mga nagpupunta ng iba’t ibang bansa.


Ito anila ang dahilan kung bakit kailangang tutukan ang VPDs habang patuloy na ini-implementa ng ASEAN members ang prevention at mga programang upang makontrol ito.

Kaugnay nito, sinabi ng ASEAN members na nababahala sila sa tuwing nakakaranas ng panandaliang kakulangan sa mga mahahalagang bakuna.

Kahit kasi anila sa maikling panahon lamang nararanasan ang shortage sa bakuna, direkta pa rin itong nakakaapekto sa vaccine security sa rehiyon, na siya nagpapataas ng tyansa na magkaroon ng outbreak at tamaan ng sakit ang mga indibidwal na hindi nabakunahan at magdulot ng isang public health emergency.

Dahil dito, patuloy na magtutulungan ang ASEAN members sa pagsusulong ng ASEAN Vaccine Security and Self-Reliance (AVSSR) upang maiwasan ang pagkakaroon ng vaccine shortage at mapag-igting ang supply ng mura at de kalidad na mga bakuna.

Facebook Comments