
Tuloy sa Mayo ang 48th ASEAN Summit sa May 7–8, ngunit magiging simple at tipid na bersyon ito upang mabawasan ang gastos sa gitna ng nagyayaring krisis sa Middle East.
Sa ambush interview kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Camp General Mariano Castañeda sa Silang Cavite, paiikliin ang summit sa humigit-kumulang isa’t kalahating araw at tutok lamang sa suplay at presyo ng langis at pagkain at kalagayan ng mga migrant workers.
Aniya, nagkaisa ang mga bansang kasapi ng ASEAN na hindi ipagpaliban ang nasabing pulong bagkus pagtutulungan kung paano kakaharapin ang epekto ng pandaigdigang krisis.
Binigyang-diin din ng pangulo na pagbawas sa engrandeng preparasyon ay bahagi ng pagtitipid, kasabay ng panawagang bawasan ang budget ng ASEAN at ilaan ang pondo sa mga sektor na apektado ng tumataas na presyo ng langis.
Sa ngayon, naka-sentro ang rehiyon sa isang tanong kung paano magtutulungan ang ASEAN para malampasan ang sunod-sunod na epekto ng tensyon sa ekonomiya ngayong taon.










