Patikul, Sulu – Sabog sa iligal na droga ang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nakasagupa ng militar sa Patikul, Sulu.
Sabi ni Colonel Gerry Besana, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command halos dalawang magazine na kasi ng bala ang nauubos ng mga sundalo pero hindi pa rin nila mapatumba ang mga bandido.
Dagdag pa ni Besana, nakakakuha rin sila ng mga iligal na droga kapag may sinasalakay silang kuta ng ASG.
Kaugnay nito, tiniyak ni Besana na tuloy pa rin ang kanilang pagtugis sa mga ASG na nakasagupa ng kanilang tropa.
Sa katunayan aniya, nakatutok na ang kanilang operasyon sa bayan ng Patikul.
Matatandaang umabot sa limang sundalo ang nasawi habang labing walo naman ang sugatan sa nangyaring sagupaan.
At sa panig naman ng bandidong grupo tatlong miyembro nila ang nalagas habang may dalawampu naman sa kanila ang nasugatan.
Inaalam na rin ngayon ng militar kung may sub-leader ng ASG ang nasugatan o napatay sa engkuwentro.