Kagagawan ng Abu Sayaff Group (ASG) ang naganap na magkasabay na pagsabog sa Isabela City, Basilan kahapon.
Ito ang hinala ni Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., Commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command.
Aniya maaring ito ay mga miyembro ng ASG na gusto lang mangikil pero walang planong makapatay.
Dahil sa ngayon aniya mahina na ang pwersa ng ASG sa Basilan kaya maliban sa pangingikil ay maaring gusto lang magparamdam ng mga ito na may pwersa pa rin sila.
Sa ngayon, ayon kay Rosario nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) at AFP para matukoy ang partikular na grupo at kanilang motibo sa pagpapasabog.
Nilinaw naman ni Rosario na walang koneksyon ang magkasabay na pagsabog sa Basilan sa naganap na pagsabog sa Koronadal City kamakailan dahil ilang araw bago ang pagsabog ay nagsagawa aniya ng operasyon ang militar laban sa Turaife group.
Ang pagsabog aniya sa Koronadal ay posibleng retaliatory attack ng Turaife group.