ASG sub-leader sa Basilan, naaresto ng PNP

Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa kanilang ikinasang counter terrorism operation sa Barangay Matata, Ungkaya Pukan, Basilan kaninang alas-2:00 ng madaling araw.

Sa ulat ni PNP Chief Police General Debold Sinas, ang naaresto ay kinilalang si Hadji Faisal Abdulkarim, sub-leader ng Abu Sayyaf sa Basilan na may kasong pagpatay sa isang barangay official anim na taon na ang nakakaraan.

Batay pa sa record ng Pulisya, ang naarestong si Abdulkarim ay sub-leader ng ASG-Dawlah Islamiyah Basilan Group na tauhan ni ASG leader Radzmil Jannatul, na pumalit kay Basilan ASG Leader Furuji Indama.


Si Abdulkarim ang nagaalaga at gumagamot umano sa mga nasusugatang ASG sa kaniyang ginawang medical station sa Basilan.

Nakuha rin ng pulisya sa naarestong ASG ang tatlong assault rifles, isang M203 grenade launcher at live rounds ng 40mm grenade ammunition.

Sa ngayon ayon kay PNP Chief, isinasailalim na sa digital forensic examination ang mobile phone ni Abdulkarim para matukoy ang mga kontak nitong iba pang terorista at pinagkukunan ng kanilang pondo.

Facebook Comments