Handa na ang Pilipinas para sa limang araw na Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR) na magsisimula ngayong Lunes, October 14 hanggang October 18 sa Philippine International Convention Center, Pasay City.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ito ay bilang bahagi ng mga hakbang upang makatulong sa pagbawas ng nakakapinsalang epekto ng climate change.
Makikipagtulungan din aniya ang Pilipinas sa ibang mga bansa para gumawa ng mga polisiya at magpalitan ng best practices para sa paghahanda at pagtugon sa sakuna.
Matatandaang sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa mga pampublikong paaralan sa lahat ng antas at opisina ng gobyerno sa lungsod ng Pasay at Maynila ngayong araw hanggang bukas, para bigyang daan ang pagtitipon.
Ang conference ngayong taon ay may temang Surge to 2030: Enhancing Ambition in Asia-Pacific to Accelerate Disaster Risk Reduction.
Samantala, pangungunahan naman ni Pangulong Marcos sa Malacañang ang courtesy call at ministerial dinner ng ilang mga delegadong bansa pagdating ng 6:30 ng gabi.