May Jordan Clarkson man sa line-up o wala, pinaghahandaan na ng husto ni Coach Yeng Guiao ang laban ng Gilas Pilipinas kontra Kazakhstan bukas sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Ayon kay Guiao, napakaimportante ng una nilang laro kontra sa mga Kazakh dahil dito magsisimula kung paano tatakbo ang kanilang kampaniya sa Asiad.
Bagamat nanalo ang Pilipinas, 67-65, sa huli nitong laro laban sa Kazakhstan sa 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea sa kabila ng kontrobersiyal na tira ni Marcus Douthit sa goal ng kalaban, sinabi pa ni Guaio na kailangan nilang harapin ang kalaban na parang palagi na nilang nakakalaro ang mga ito.
Giit pa ni Guiao, dapat alam ng Gilas ang bawat aspeto ng galaw sa court ng mga Kazakh.
Noong 1998 Bangkok Asian Games, nakuha ng all-pro team ni Tim Cone ang bronze medal kontra Kazakhstan, 73-68.
Pero bumawi ang mga Kazakh sa 2002 Busan Asiad matapos talunin ang mga Pinoy sa bronze medal match, 68-66.
Maghaharap ang Gilas Pilipinas at Kazakhstan bukas ng alas onse ng umaga.