Kinalampag ng Magdalo Partylist sa Kamara na isama na sa curicculum sa elementary at highschool ang asignatura tungkol sa Disaster Preparedness at Disaster Mitigation.
Ginawa ang panawagan na isama na ng Department of Education (DepEd) ang nasabing subject lalo pa’t magkakasunod na araw na niyanig ng lindol ang maraming bahagi ng bansa.
Layunin ng panukala na maisulong ang disaster awareness at maisulong ang aktibong pakikiisa ng mga kabataan sa disaster preparedness sa komunidad na kinabibilangan.
Makakatulong din ito para mas lalong mapaigting ang disaster response ng bansa sa anumang sakuna o kalamidad.
Sa ilalim ng House Bill 8044, isasama sa ituturo sa mga estudyante ang natural at man-made disasters at ang cause and effect nito.
Dito ay ituturo ang mga hakbang na dapat gawin bago, habang at pagkatapos ng kalamidad tulad ng bagyo o lindol.
Sa ganitong paraan ay makakatulong din ito para makaligtas ng buhay at mabawasan ang pinsala sa mga ari-arian.