Nilinaw ng Asingan – PNP na hindi nila ikinulong ang lolo na kinasuhan dahil sa pagnanakaw ng sampung kilong mangga sa Pangasinan.
Ayon kay Asingan PNP Chief Police Major Napoleon Eleccion, simula January 13 nang isailalim sa police custody ang 80-anyos na si Leonardo “Lolo Narding” Flores pero hindi naman talaga ito ipinasok sa kulungan.
Kahapon, January 20 nang pansamantalang makalaya si Lolo Narding matapos na pag-ambagan ng mga pulis ang P6,000 piyansa nito.
Katunayan, umabot sa P10,000 ang nalikom ng mga pulis kung saan ang sobrang P4,000 ay ipambibili nila ng pangangailangan ni Lolo Narding gaya ng pagkain at gamot.
“Wala po siyang pamilya, ang ka-pamilya niya lang ay yung mismong kamag-anak niya e hirap ding makapag-produce ng P6,000 during that time,” ani Eleccion sa interview ng RMN Manila.
“Ang hanapbuhay ni Lolo Narding sa Barangay Bantog ay nagtitinda ng mais at suka so, wala talaga siyang pampiyansa during that time. Kaya nag-initiate tayo na konting halaga lang naman po ay nakalikom tayo ng P10,000 para sa kanyang piyansa at additional to support his basic needs,” dagdag pa ng hepe.
Samantala, itinakda na ng 7th Municipal Circuit Trial Court ng Asingan, Pangasinan ang arraignment sa kaso ni Lolo Narding sa February 8.
Pero sa ngayon, wala pang natatanggap na subpoena ang magkabilang panig dahil sarado pa ang mga korte sa Pangasinan dahil sa umiiral na Alert Level 3.
“Ang imposable penalty d’yan, light offense lang naman yan e. Kung sa theft lang sa mangga, ang sanction niyan most probably 6 months [imprisonment] below lang and pwede namang mag-probation o community service kung magga-grant yan sa korte,” paliwanag ng Asingan-PNP Chief.