Milagrong nabuhay ang isang asong nailigtas mula sa mga guho sa Bahamas–isang buwan ang nakararaan mula nang maminsala ang Hurricane Dorian.
Pinangalanang “Miracle” ang 1-taon gulang na mixed breed na natagpuan nitong Oktubre 4 ng Big Dog Ranch rescue sa Marsh Harbour sa tulong ng infrared detection mula sa isang drone, ayon kay Chase Scott, tagapagsalita ng organisasyon, sa ulat ng CNN.
Ayon kay Scott, muntik nang maipit si Miracle na nakita sa ilalim ng mga basag na salamin, aircon unit, at mga guho ng bumigay na gusali.
Tubig-ulan umano ang tanging bumuhay sa buto’t-balat na at hindi na makalakad na aso.
Sa kabila ng kondisyon, kumakawag daw ang buntot ni Miracle nang makita ang mga rescuer.
Nasa pangangalaga ng organisasyon ang aso na nangangailangan ng tulong medikal at pang-emosyonal.
Sinabi ni Scott na sa oras na gumaliing ay ipaaampon si Miracle kung hindi ito babawiin ng may-ari.
Pagpasok ng Setyembre nang humagupit sa Bahamas ang Hurricane Dorian na nagresulta sa pagkamatay ng halos 60 katao at pagkawala na nasa daan-daan.