Pinaghahanap pa rin ngayon ang isang aso matapos umano itong tangayin ng seagull o bako nitong Linggo.
Kuwento ng amo na si Becca Hill, nagsasampay daw ng nilabhan ang kaniyang asawa sa kanilang bakuran sa Devon, United Kingdom kasama ang Chihuahua na si Gizmo, nang dagitin ang alaga.
Sinubukan pa raw hilahin ng kaniyang asawa si Gizmo nang lumipad na ang seagull pero hindi ito naabot.
“It carried Gizmo a fair way as we couldn’t see him anymore. I have no idea if he was dropped or where he is now,” ani Hill sa Devon Live.
May bigat na 4.4 pounds o halos 2 kg ang apat na taong gulang na Chihuahua.
Nauna namang humingi si Hill ng tulong sa Facebook para hanapin ang aso ngunit binura niya ang post dahil sa mga troll at mga komentong duda sa kuwento niya.
Ayon sa panayam ng BBC kay Peter Rock, isang ornithologist o nag-aaral ng seagull, posible ang nangyari dahil malalaki raw ang seagull at kakayanin nitong dumagit ng maliit na hayop.
“If you have a very tiny little dog, I suggest you don’t let it run around in your back garden. It may well become a meal,” payo pa ng ornithologist.
Isang animal rescue team naman na ang nagpaskil sa Facebook para humingi ng tulong sa paghahanap kay Gizmo.
Noong 2015, may naiulat ding namatay na Chihuahua matapos atakihin ng langkay ng seagull sa Devon.