Asong umaangkas sa bisikleta ng namayapang amo, ikinaluha ng netizens

8116
Courtesy Lester dela Torre & Jessie Rodriguez

Halos madurog ang puso ng netizens sa pagmamahal na ipinapakita ng isang aso sa kaniyang namayapang fur-parent sa Capas, Tarlac.

Kuwento ni Jessie Rodriguez, noong buhay pa si Mang Boy, palagi niyang inaangkas sa bisikleta ang alagang si Chuchu.


Ayon pa sa uploader, araw-araw itong kasama ng lalaki saan man siya magpunta.

Sa kuhang bidyo ni Lester dela Torre noong nakaraang buwan, mapapansin ang masayang bonding ng dalawa.

 

Mula nang bawian ng buhay si Mang Boy dahil sa atake sa puso, nagpalaboy-laboy na sa lansangan si Chuchu at tila hinihintay ang pagbabalik ng pinakamamahal niyang amo.

Para tuluyang umuwi ang aso, inilabas ng mga kapitbahay ang bisikletang madalas gamitin ng namayapang lalaki.

Makalipas ang ilang sandali, sumampa ang aso sa bisikleta at tuluyan sumama sa burol ng kaniyang fur daddy.




Habang nakasakay sa bisikleta, sinisilip ni Chuchu ang labi ng amo.

Lumipat ito sa ilalim ng kabaong para magbantay at makasama si Mang Boy – kahit man lang sa huling sandali.

Facebook Comments