Umaaray na ang grupo ng mga supermarket sa bansa sa mga programang pangdiskuwento ng pamahalaan.
Kasunod na rin ito ng nakaambang panibagong dagdag na 5% discount o ₱125 kada linggo o ₱500 kada buwan para sa mga seniors at Persons with Disabilities (PWDs) sa mga pangunahing bilihin at prime commodities ngayong katapusan ng Marso.
Sa interview ng RMN Manila kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua, binigyang-diin nito na walang problema sa kanila ang 5% discount ngunit dapat ito ay “tax deductible” lalo na’t sa bulsa ng mga maliliit na negosyante ito kinukuha.
Punto ni Cua, hindi sila tutol sa mga programa pangdiskuwento ng pamahalaan para sa mga mahihirap pero wala namang ibinabalik na subsidiya upang ayudahan ang business sector partikular sa maliliit na negosyante.
Aminado si Cua na kung hindi hindi ito maaaksyunan ng pamahalaan ay posibleng ang mga consumer ang papasan ng dagdag diskuwento na magreresulta sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin.