Manila, Philippines – Umaaray na ang iba’t ibang asosayon ng truckers at maging ang mga driver sa mga mataas na penalty sa loob ng pantalan at sa lansangan.
Unang hindi sumang-ayon ang Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) sa mga ipinapatupad na truck ban sa ilang lugar sa Metro Manila maging sa kalapit na probinsiya nito.
Iginiit ng CTAP sa pangungunan ni ret. Police Director General Edgar Aglipay na tila pinapatay ng truck ban ang ekonomiya ng mga haulers at truckers na siyang responsable sa pagdadala ng mga kakailanganin ng ilang kumpaniya at ng ibang tao.
Maging ang proposal na truck ban sa South Luzon Expressway o SLEX ay mariin din nilang tinututulan dahil ang mga trucker ay ang backbone ng economy sa bansa.
Sinabi naman ni ginang Maria Zapata, presidente ng Aduana Business Club Incorporation, malaking problema din ang mga ordinansa ng bawat lokal na pamahalaan dahil hindi synchronize ang oras na kanilang ipinapairal na truck ban kaya nagiging fund raising ito ng local government.
Nagiging tampulan na rin ng sisi ang mga truck dahil sa laki ng sakop sa kalsada kaya ang mungkahi ng mga truckers mabigyan sila ng tamang oras para makapasok at makalabas sa Metro Manila para matuldukan na ang problema sa trapiko.