MANGALDAN, PANGASINAN – Isinusulong ng Rabbit Breeders Association sa Mangaldan (RBAM) ang karne ng kuneho hindi lamang alternatibo sa kakulangan ng suplay ng baboy kundi pandagdag na karne sa merkado.
Sa pahayag ni RBAM President Ronnie Tacaca, labis aniyang makakatulong ang rabbit meat hindi bilang pamalit kundi bilang pandagdag sa suplay ng karne sa pamilihan, higit lalo upang matugunan ang patuloy na krisis sa suplay ng karne ng baboy bunsod ng banta ng African Swine Fever (ASF) at ilan pang sakit na nakakasira sa hog industry.
Ipinatikim ng RBAM ang iba’t ibang putahe gamit ang karne ng rabbit sa mga panauhin at kawani ng LGU Mangaldan upang maibahagi ang adhikain ng asosasyon na maipakilala ito bilang pandagdag sa bawat hapag-kainan.
Inaasahang lubos ding makakatulong ito sa kabuhayan ng mga nais pasukin ang rabbit breeding at magbigay din ng dagdag kita sa mga magsasaka dahil maaaring bilhin ng mga rabbit breeders ang dayami.
Matatandaan na una ng inirekomenda ng Department of Agriculture na pwedeng maging alternatibo ang karne ng kuneho sapagkat mayaman ito sa protina, madaling palakihin at alagaan kaysa sa ibang hayop na kinakain.