Iginiit ng Accredited Service Providers of PAGCOR (ASPAP) na walang ginagastos ang pamahalaan sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) testing ng mga staff nito sa bansa, taliwas sa kumakalat na balita.
Ayon kay ASPAP Spokesperson Atty. Margarita Gutierrez, mga service providers ang nagbabayad para sa mass testing ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers, kasabay ang babala sa publiko laban sa mga pekeng impormasyon na ikinakalat lalo na sa social media.
Ang paglilinaw ng ASPAP ay kasunod ng mga kumakalat na posts sa social media na isang lokal na pamahalaan ang nasa likod ng nadiskubreng COVID-19 testing umano sa isang exclusive subdivision sa Parañaque City.
Ayon sa Parañaque City Administrator, hindi gagastos ang kanilang lokal na pamahalaan sa kahit anong mass testing para sa staff ng POGO service providers, habang ang Malacañang naman ay nagsabing nasa private sector na ang inisyatibong ito para kanilang empleyado.
Giit pa ni Gutierrez, wala rin katotohanan ang balitang may preferential treatment para sa mga personnel ng POGO service providers at tinawag na mga iresponsable ang nagpapakalat ng mga maling impormasyon. Ang katotohanan, nagbibigay pa ng libreng mass testing ang mga ito sa non-POGO workers.
Kung matatandaan, nangako ang ASPAP na sila ay susunod sa lahat ng alituntunin ng gobyerno para sa kalusugan, kaligtasan at tax requirements habang nalalapit na ang limitadong pagbubukas ng mga POGO sa bansa.
Bumuo rin ang grupo ng isang task force na tutulong sa mga otoridad para masugpo ang mga Non-registered Offshore Gaming Operators (NOGO) na nagsasagawa ng mga illegal online gaming activities at siyang sumisira sa imahe ng mga legitimate POGO service providers.