ASPAP: Pagresolba sa tax isyu, prayoridad

Iginiit ng Accredited Service Providers of PAGCOR (ASPAP) na walang dapat ikabahala ang gobyerno sa usapin ng pagbabayad nito ng buwis sapagkat ito ang kanilang prayoridad bago muling buksan ang kanilang operasyon.

Ayon kay ASPAP spokesperson Atty. Margarita Gutierrez, pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno ang inaasikaso ng mga miyembro nila taliwas sa sinasabi ni Senador Risa Hontiveros.

Kung matatandaan, sinabi ni Hontiveros na dapat ay singilin muna ang mga Pogo Service Providers (PSP) ng kanilang kakulangan sa buwis bago patawan ng karagdagang buwis ang mga online retailers.


Idiniin ni Gutierrez na ang kanilang mga miyembro ay kumpleto sa pagbabayad ng regulatory fees, corporate at withholding taxes para sa kanilang mga empleyado.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng ASPAP, buo rin ang suporta ng mga PSPs sa layunin ng gobyerno na ibangon ang ekonomiyang naapektuhan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sabi pa ni Gutierrez, bago manalasa ang pandemya ay nagbabayad na ang mga PSPs ng tamang buwis at sumusunod sa mga itinalagang tax laws ng gobyerno.

Nabatid na PSPs ay nakapag-ambag na ng 94.7 bilyon piso sa ekonomiya at maari pang umabot ito sa 104 bilyon piso ngayong taon.

Nilinaw rin ng ASPAP spokesperson na ang mga PSPs ay susunod sa lahat ng health and safety protocols sa oras na magsimula ang kanilang limitadong operasyon.

Samantala, tinutulan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pahayag ni Hontiveros at nilinaw na kinokolektahan ng gobyerno ang mga PSPs ng mga hindi pa nababayarang buwis.

Nilinaw rin ng Palasyo na ang mga sellers na kumikita ng 250,000 pesos pababa sa isang taon ay exempted sa pagbabayad ng buwis sa ilalim ng Tax Reform Law.

Facebook Comments