Nagdulot ng malaking butas sa kaban ng bansa ang patuloy na pananalasa ng Coronavirus Pandemic (COVID-19).
Bunsod nito, kailangan dagdagan ng gobyerno ang kanilang pangangalap ng pondo para punan ito.
Ayon sa Accredited Service Providers of PAGCOR (ASPAP), malaki ang papel na gagampanan ng Philippine Online Gaming Operators (POGO) sa muling pagbangon mula sa epekto ng COVID-19 lalo na sa ekonomiya.
Sinabi ni House Committee on Ways and Means Chairman Representative Joey Salceda na tinatayang nasa ₱94.7 billion na ang kontribusyon ng POGO taon-taon sa Gross Domestic Product ng Pilipinas.
Paliwanag nito, ang buwis na nakuha ng gobyerno sa mga POGO noong 2018 at 2019 ay umabot sa ₱22.4 bilyon, kasama na ang Value Added Tax (VAT) mula sa upa at pagkonsumo ng mga POGO worker.
Ang forecast naman ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong mga nakaraang araw ay isa rin sa malalaking rason upang muling buksan ang mga POGO, ayon kay ASPAP Spokesperson Atty. Margarita Gutierrez.
Sa projection ng PAGCOR, maaaring makalikom ng annual collection na higit sa ₱10 bilyon at ang withholding taxes mula sa foreign at local POGO workers ay tinatayang aabot sa ₱12.25 bilyon.
Idagdag pa rito ang rental VAT payments for offices and housing na nasa ₱3 bilyon, Department of Labor and Employment (DOLE) permits na nasa ₱6 bilyon at bayad ng direct hired agencies na ₱3 bilyon, na kung susumahin ay aabot sa ₱34 bilyon na annual collection ang makukuha mula sa POGO.
Tinatayang aabot rin sa ₱33 bilyon ang maaring maitulong ng foreign POGO workers sa lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang daily expenses, bayad sa upa ng mga bahay at opisina aabot sa ₱21 bilyon, habang may ₱16.4 bilyon na pasuweldo para sa mga worker, hindi pa kasama ang mga bayarin sa Bureau of Immigration (BI) sa pamamagitan ng buwis.
Kaya kung susumahin, aabot ang kontribusyon ng POGO sa bansa sa ₱104-billion bawat taon, ayon sa PAGCOR.
Inaasahan na lolobo pa ang deficit ng Pilipinas na aabot sa ₱1 trilyon dahil sa pananalasa ng COVID-19, subalit pinaliwanag ni Gutierrez na ang kikitain mula sa offshore gaming at iba pang mga benepisyo ay makapagbibigay ng karagdagang kita para sa pamahalaan upang matugunan nito ang mga response programs ng laban sa pandemya.