Sa panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Jaycee Dy, walong barangay sa Lungsod ang naapektuhan ng pagbaha dulot ng Bagyong Paeng.
Inisa-isang binisita ng Team Jaycee Dy ang mga barangay na nalubog sa baha gaya ng District 1, at 3; Brgy. Labinab, Alicaocao, Villa Luna, Gagabutan at iba pang barangay sa East Tabacal Region.
Kasabay ng kanilang personal na pagbisita, hinatiran din ng hot meals at relief goods ang mga nasa evacuation center.
Ayon sa alkalde, patuloy nilang oobserbahan ang mga binahang barangay sa Lungsod para makuha ang kabuuang bilang ng mga naapektuhan ng baha.
Sa ngayon, hirap pa aniya silang pasukin ang ilang naapektuhang barangay partikular sa forest region.
Sinabi rin ng alkalde na bukod sa mga pagkain at relief goods na ipinamimigay sa mga Cauayeñong nabaha ay bibigyan rin ang mga ito ng hygiene kits at tubig.
Kaugnay nito, kapag natapos na ang kanilang assessment sa mga binahang lugar ay magsasagawa na ang alkalde ng pakikipagpulong sa mga Congressman at Provincial heads para sa iba pang tulong na maaari at kailangan nilang maibigay sa mga apektado.