Assets o yaman ng mga pinakamayayaman sa bansa, pinapapatawan ng buwis

Para makadagdag sa pondo ng pamahalaan sa medical services at iba pang programa sa mga mahihirap ay pinadaragdagan ng Makabayan bloc sa Kamara ang ipinapataw na buwis sa mga bilyonaryo o “super rich” sa bansa.

Ang House Bill No. 10253, o ang “Super-Rich Tax Act of 2021” ay inaamyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997.

Sa ilalim ng panukala ay pinapatawan ng 1% tax ang mga mayayamang may assets na higit sa P1 billion, 2% na buwis naman sa mga may yaman na higit P2 billion at 3% tax sa higit P3 billion ang kayamanan.


Inaasahang makakalikom ng P236.7 billion kada taon ang gobyerno mula sa buwis ng mga pinakamayayamang Pilipino sa bansa.

Ang 60% sa bilyong buwis na makokolekta ay eksklusibong gagamitin para sa medical assistance at sa Health Facilities Enhancement Program.

Samantala, ang 40% ay ilalaan sa mga programa para sa edukasyon, social protection, trabaho, at pabahay.

Makakatulong ang pagbubuwis sa assets ng mga pinakamayayaman sa bansa para madagdagan ang pondo ng kaban ng bayan at upang mapagaan ang pasan ng mga ordinaryong taxpayer.

Facebook Comments