Assistance to Nationals Fund, pinapagamit sa mga kababayang apektado ng gulo sa Israel

Hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pamahalaan na gamitin na ang pondo sa ilalim ng Assistance to Nationals Fund para matulungan ang ating mga kababayan na naiipit ngayon sa gyera sa pagitan ng Israel at Palestinian Islamist Group na “Hamas”.

Hinihimok ni Zubiri na sa pagkakataong mayroong ganitong kaguluhan ay gamitin na ng buo ang nasabing pondo para sa mga Pilipinong apektado ng girian.

Nanawagan si Zubiri sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA) at sa ibang ahensya ng gobyerno na iligtas ang lahat ng mga Pilipino doon at tiyakin ang ligtas nilang pagalis o pagtawid mula sa mga bayan ng Israel na malapit sa Gaza strip na inatake ng grupong Hamas.


Samantala, patuloy naman ang pangangalap ng impormasyon at pagmomonitor ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa ating mga kababayan na naninirahan ngayon sa Israel.

Batay sa nakuhang impormasyon ni Villanueva, ilan sa mga Pilipino na malapit sa border ng Gaza strip ay nananatili ngayon sa mga bomb shelters bagamat ligtas ay hindi basta makatawid dahil ilang village ang kontrolado ng Hamas group.

Inihambing pa ng ilan nating kababayan sa Marawi siege ang karahasan na ginawa ng Hamas sa Israel.

Facebook Comments