Sinampahan na ng Department of Justice (DOJ) ng kaso sa korte ang assistant manager ng Bank of the Philippines Islands (BPI) na sangkot sa Wirecard scandal.
Ayon sa DOJ, 4 counts ng kasong falsification at 2 counts ng paglabag sa General Banking Act ang isinampa laban kay Joey Dela Cruz Arellano alyas Joey Cruz Arellano.
Sinabi ng DOJ na nag-isyu si Arellano ng falsified bank certificates.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban kay dating Wirecard executive Jan Marsalek bunsod ng kawalan ng ebidensya.
Si Marsalek ay napaulat na pumasok sa Pilipinas noong June 2020 upang takasan ang mga awtoridad.
Dismissed din ang reklamo laban kay dating Transportation Assistant Secretary Atty. Mark Kristopher G. Tolentino na pinangalanan na trustee ng Wirecard AG sa Pilipinas, Judith Singayan Pe, at iba pa dahil sa kakulangan din ng ebidensya.
Ang kaso ay nag-ugat sa $2 bilyong financial scandal na kinasasangkutan ng German payments firm na Wirecard AG noong 2020.
Sinasabing ang nawawalang $2.1 billion U.S. ng Wirecard ay inilagay sa BPI at Banco De Oro.
Pero nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas kalaunan na hindi pumasok sa financial system ng bansa ang nasabing salapi.