Manila, Philippines – Ipinauubaya na ni MMDA special operations head Bong Nebrija sa legal department ng MMDA kung sasampahan ng kaso ang naghamon ng barilan sa kaniya sa Mayaman St., Quezon City.
Ayon kay Nebrija, ibinigay na niya ang lahat ng detalye ng insidente para tingnan kung may sapat na batayan para magsampa ng kaso.
Matatandaan na pinagduduro at hinamon ng barilan si Nebrija ng di pa natutukoy na residente na galit na galit nang komprontahin ang opisyal.
Napag-alaman na ikinagalit ng nabanggit na lalaki ang pagtanggal ng MMDA ng lahat ng istraktura sa gilid ng kalsada kasunod na rin ng pagpapaluwag ng kalsada sa Kahabaan ng Commonwealth avenue.
Umani naman ng simpatiya kay Nebrija ang netizens sa social media dahil hindi nito pinatulan ang nagwawalang matanda.
Paliwanag ni Nebrija, kung siya ang masusunod, abala lang ang pagsasampa ng kaso.
Pero, hindi naman aniya dapat basta yurakan ang pagkatao ng mga taga MMDA na tumutupad lamang sa kanilang tungkulin na ayusin ang daloy ng trapiko.