
Nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas ang atake sa puso o ischemic heart disease.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Albert Domingo na malaking bahagi ng mga kaso ay dulot ng mga nakagawiang puwedeng baguhin, gaya ng lifestyle.
Ayon kay Domingo, altapresyon ang isa sa pangunahing dahilan ng atake sa puso.
Kapag mataas ang blood pressure, mas napapagod ang puso sa pagbomba ng dugo at mas tumaas ang tiyansa ng pagbabara ng mga ugat.
Isa sa mga dahilan ng altapresyon ang sobrang pagkain ng maalat, kabilang ang asin, toyo, at patis.
Nilinaw ng opisyal na hindi ito ipinagbabawal, ngunit dapat ay kontrolado at may tamang sukat ang paggamit.
Babala rin ng DOH na mapanganib sa puso ang paninigarilyo at pagva-vape, gayundin ang kakulangan sa pisikal na aktibidad.
Dahil dito, hinihikayat ng DOH ang publiko na maglaan ng hindi bababa sa 150 minutong ehersisyo kada linggo upang mapanatiling malusog ang puso.










