Manila, Philippines – Tuluyan nang ipinagbawal sa lahat ng taekwondo events ang junior high school student ng Ateneo de Manila junior high school na sangkot sa mga viral bully videos na kumalat sa social media.
Ayon kay Philippine Taekwondo Association (PTA) President Robert Aventajado, inirekomenda ng samahan na patawan ng indefinite ban ang bully na estudyante matapos ang isinagawang imbestigasyon ng PTA committee sa insidente ng pambu-bully ng estudyante ng ADMU.
‘Effective immediately’ ang ban sa bully na estudyante kung saan pagbabawalan na ito na makilahok sa mga taekwondo related events, belt promotions, tournaments at facilities ng member institutions.
Inirekomenda din ng PTA committee na sumailalim ang estudyante sa counselling.
Paliwanag ni Aventajado, ilan sa mga kondisyon ang ‘supervised counselling’ at ‘rehabilitation’ para ma-reinstate o magkaroon ng pagkakataon ang estudyante na makabalik sa organisasyon.
Kinakailangan nitong magpakita ng pagiging responsable sa naging aksyon, pagsisisi at pagkakaroon ng positibong kontribusyon sa lipunan.
Sakali namang tanggihan ng mga magulang ng estudyanteng bully ang mga nasabing options ay wala silang magagawa kundi tuluyang i-expel ito sa PTA.
Nakiusap din ang PTA sa mga netizens na maging responsable sa mga ipino-post na social media comments laban sa batang bully dahil ito pa rin ay isang menor de edad.