Manila, Philippines – Dinissmis na ng administrasyon ng Ateneo de Manila University ang isa nilang junior high school student na nakuhanan ng video na nambu-bully ng kaniyang kapwa mag-aaral.
Batay sa statement ni Ateneo President Fr. Jose Ramon Villarin, matapos ang malalimang imbestigasyon at pakikinig sa lahat ng partidong sangkot sa usapin, dismissal, ang ipinataw na parusa sa estudyante.
Ibig sabihin, hindi na siya papayagan pang makabalik sa Ateneo.
Sabi pa ni Villarin, bagaman may mga patakaran na ang unibersidad kontra bullying, bumuo na rin sila ng task force na pag-aaralan kung dapat pang dagdagan ang mga patakaran para matiyak na ligtas mula sa pang-aapi ang mga estudyante.
Samantala, pinuri naman ng Malacañang ang mabilis na pag-aksyon ng Ateneo sa insidente.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sana raw ay magsilbing paalala ang insidente na hindi dapat pinalalampas ang mga insidente ng bullying.
Hinimok din ng Palasyo ang mga paaralan sa bansa na magtatag ng mga mekanismo para mahigpit na mabantayan ang mga insidente ng bullying pati na rin ang mahigpit na pagpapatupad sa anti-bullying law.