PUERTO PRINCESA CITY, Palawan—Pinangunahan ni Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa Pag-asa Island, bahagi ng Spratlys archipelago na inaangkin ng China, ngayong Sabado (Nobyembre 20) upang ipakita ang soberanya ng bansa sa ating teritoryo.
Bumisita si Lacson sa Pag-asa Island lulan ng private plane galing Maynila, dala ang bagong watawat ng Pilipinas na itinaas niya sa isla bilang simbolo ng kanyang pakikiisa sa mga Pilipinong naninirahan dito. Hindi agad sinapubliko ang pagbisitang ito para sa seguridad.
Sa paglapag niya sa Antonio Bautista Air Base para sa stopover, sinalubong si Lacson ng ilang opisyal mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WesCom) na nakabase sa probinsya.
Umalis si Lacson sa mainland ng Palawan dakong alas-8:00 ng umaga at nagtungo sa Pag-asa Island sakay ng private Pilatus aircraft, kasama si Partido Reporma president at former House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez, at secretary-general nito na si Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib.
Kasama rin sa pagbisitang ito si Partido Reporma senatorial candidate at dating Philippine National Police chief Guillermo Eleazar, spokesperson Ashley ‘Ace’ Acedillo, gayundin si dating Interior Secretary and National Unity Party chairman Ronaldo Puno.
Alas-9:10 ng umaga nang dumating si Lacson sa isla, agad niyang pinangunahan ang flag raising ceremony kasama ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Tatlong bandila ng Pilipinas ang itinaas ng presidential aspirant na pumalit sa mga lumang bandila sa munisipalidad, ayon kay Partido Reporma spokesman Acedillo.
“It was a very significant moment. ‘Yung tipong mararamdaman mo ‘yung patriotismo mo bilang Pilipino,” sinabi ni Acedillo sa isang maikling panayam matapos ang kanilang pagbisita sa Pag-asa Island.
“This is a symbolic action to signify that we are firm in our commitment in defending our territory and our sovereignty and this is even against the backdrop of a looming Chinese presence,” dagdag pa ng Partido Reporma spokesman.
Pagkatapos nito, nagtungo siya sa komunidad ng mga residente at mangingisda para personal silang makausap kaugnay sa kanilang kalagayan, saloobin, at nararanasan nila sa West Philippine Sea (WPS). Tinatayang nasa 193 sibilyan ang naninirahan sa barangay sa Pag-asa island, ayon sa datos ng 2020 census.
Si Lacson ang kauna-unahang elected official ang bumisita sa Pag-asa Island upang makausap ang mga residente, naging mainit naman ang kanilang pagtanggap sa batikang mambabatas, na nagdala ng chicken joy mula sa Maynila para kanilang mapagsaluhan.
“Isa sa mga nagustuhan ko doon na pagkakataon ‘yung sinabi ni Sir Ping Lacson na maituturing pang tagapagtanggol ng ating soberanya, ng ating teritoryo ang mga nakatira na mga residente doon mismo sa isla,” sinabi pa ni Acedillo.
Tumaas uli ang tensyon sa WPS nang harangin ng mga Chinese Coast Guard at ginamitan pa ng water cannon ang mga barkong magdadala sana ng supply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Mariing kinondena ni Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang muling pagtaboy sa mga barko ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone nito.
“Sarili na nga nating teritoryo, tayo pa ‘yung tinataboy, wina-water cannon. Napakasamang pangitain ‘yon,” giit ni Lacson sa kanyang pulong sa mga mamamahayag nitong Huwebes.
Nagpunta si Lacson sa Pag-asa Island, 225 kilometro mula sa Ayungin Shoal, para personal ding humingi ng update mula sa AFP WesCom tungkol sa sitwasyon ng seguridad ng teritorya ng Pilipinas, kaugnay ng kanyang tungkulin bilang chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.
Bahagi ito ng kanyang pangako na malalim na pag-aaralan ang isyu sa WPS at makakuha ng impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang source para makalikha ng mas maayos na plano at solusyon na makakaresolba sa isyu hinggil sa teritoryo ng bansa.
Dagdag pa sa mga plano ng tambalan nina Lacson at Sotto para maprotektahan ang WPS ay ang pagkakaroon ng “balance of power” sa pagitan ng iba’t ibang bansa, na nakapanig sa ating mga layunin.
Ang Pag-asa island ang pangalawang pinakamalaking isla sa pinag-aagawang Spratlys archipelago na kabilang sa teritoryo ng Pilipinas. Matatagpuan ito 480 kilometro sa kanluran ng Puerto Princesa City at nasa hurisdiksyon ng munisipalidad ng Kalayaan, Palawan.
Ang Kalayaan Group of Islands ay dineklarang teritoryo ng Pilipinas sa bisa ng Republic Act 9522, o ‘An Act to Define the Baselines of the Territorial Sea of the Philippines” noong 2009, alinsunod sa Article 121 ng United Nations Convention on Law of the Sea (UNCLOS).