Manila, Philippines – Matapos ang isinagawang mga pagdinig ng Senado kaugnay sa pagkamatay ng UST Law Student na si Horacio Castillo III, makaraang sumailalim sa hazing ng Aegis Juris Fraternity, naglabas na ng committee report ang Senado.
Sa ilalim ng Committee Report 232:
1.) Pinaaamyendahan ang Republic Act No. 8049 o Anti Hazing Law.
a.) Kung saan nais na isama sa katergorya ng hazing ang: Paddling, Whipping, Beating, Branding, sapilitang pagpapakain o pagpapaino, at iba pang sapilitang aktibidad na makakaapekto sa pisikal at Psychological Health ng isang Neophyte.
b.) Pagpapalawak ng scope kung saan bawal ang pagsasagawa ng hazing. Ibig sabihin, isinusulong na rin na maisama sa batas ang pagbabawal sa mga Community Base at iba pang organisasyon na magsagawa ng hazing.
c.) Pagsasama sa written application ng isang Fraternity ng eksaktong paraan kung papaano isasagawa ang initiation rites, bago ito isagawa.
d.) Bukod sa school representative na present dapat sa pagsasagawa ng initiation rites, dapat na rin i-record ang proseso.
2.) Isinusulong na maamyendahan ang Presidential Decree No. 1829, upang maitaas sa pagkakakulong ang mga hahadlang para sa hustisya. (Obstruction of Justice)
3.) Isinusulong rin na ma-amyendahan ang Republic Act 6981 o Witness Protection, Security and Benefit, upang pabigatin ang parusa sa mga witness na sasailalim sa programa ngunit hindi makikipagtulungan sa imbestigasyon.
4.) Pinaiimbestigahan sa Department of Justice ang tangkang cover up ng mga miyembro at alumni ng Aegis Juris Fraternity.
5.) Pinaaamendahan rin ang CHED Memorandum Order No. 4, upang maiakyat sa expulsion ang mga Fraternity members na magsasagawa ng hazing.
6.) Pinasisilip rin sa University of Santo Tomas, ang mga posibleng paglabag o kapabayaan ng kanilang mga Opisyal, Empleyado at Faculty dahil naisagawa ng Aegis Juris Fraternity ang hazing kung saan nasawi si Horacio Castillo III.
7.) Napapaloob rin sa Committee Report ang panawagan sa Korte Suprema na isailalim sa disbarment proceeding ang lahat ng abogadong miyembro ng Aegis Juris Fraternities na nakakaalam at nagtakip ng tungkol sa pagkamatay ni atio, dahil malaking paglabag ito sa sinumpaan nilang tungkulin.