ATIO CASTILLO HAZING CASE | DOJ, nagpaliwanag sa pag-absuwelto kay UST College of Law Dean Nilo Divina

Manila, Philippines – Nagpaliwanag ang Department of Justice (DOJ) sa pag-absuwelto nila sa Horacio Castillo III hazing case kay UST Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina at Faculty Secretary Arthur Capili.

Ayon sa DOJ, wala namang patunay na pinahintulutan nina Divina at Capili ang hazing rites kay Atio.

Ang text message din anila ni Atio sa kanyang ina na nagsasabing siya ay nasa law firm ni Divina at ang CCTV footage na nagpapakitang si Atio ay nasa Pacific Star Building sa Makati City ay hindi rin Conclusive Proof na pinuntahan ni Atio sina Divina at Capili sa Divina Law Offices.


Inabswelto rin ng DOJ ang mga respondents, sa reklamong robbery o pagnanakaw dahil bagamat nawala nga ang cellphone at iba pang gamit ni Atio, hindi naman tukoy kung sino ang tumangay sa kanyang gamit.

Ang iligal din anilang pagtangay sa gamit ay hindi rin nakitaan ng presensya ng “Intent to Gain” o layunin na pagkakitaan ang mga gamit ni Atio.

Bukod kina Divina at Capili, absuwelto rin sa kaso ang mga opisyal ng Aegis Juris Foundation Inc.

Facebook Comments