Manila, Philippines – Inaasahang madaragdagan pa ang mga kakasuhan na miyembro ng Aegis Juris Fraternity na sangkot sa pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) law freshman student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Sa interview ng RMN, inihayag ni ginang Carminia Castillo, ina ni Atio na bukod sa sampung sinampahan ng kasong kriminal dahil sa paglabag sa anti-hazing law, mayroon pang sampu na nasa under investigation.
Nabatid na nakitaan ng probable cause ng Department of Justice (DOJ) ang kasong isinampa ng Manila Police District (MPD) laban sa labing isang suspek.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban kina UST faculty of civil law dean Nilo divina at sa secretary ng UST faculty of civil law na si Arthur Capili gayundin sa iba pang inireklamong miyembro ng Aegis Juris dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Pero, pagtitiyak ni ginang Castillo, pinagtitibay na nila ang mga ebidensya para mapanagot ang lahat ng sangkot sa pagkamatay ng kanyang anak.
Si Atio ay namatay noong buwan ng Setyembre, 2017 makaraan umanong sumailalim sa hazing ng kanyang sinalihang Aegis Juris Fraternity sa Maynila.