Maging ang mamamahayag na si Atom Araullo, hindi nakaligtas sa bagsik ng mga awtoridad para mapaalis ang mga rallyista sa ilang pangunahing kalye sa Hong Kong.
Sa inilabas niyang ulat para sa programang “Stand For Truth”, kasama ng kaniyang team, pinuntahan nila ang mga lugar kung saan nagsasagawa ng kilos-protesta para tutulan ang “Anti-Extradition Bill” na isinusulong ng isang mambabatas.
Habang nasa coverage, binato ng awtoridad ang isang tear gas at namaril ng mga rubber bullet upang itaboy ang mga taong nagpipiket.
Ayon kay Atom, pumutok sa kaniyang harapan ang tear gas.
Sumakit rin ang mata ng producer na kasama nito.
Dagdag pa ng Kapuso documentarist, mabuti na lamang at may dala silang gas masks.
Hindi ito ang unang beses na may tinamaang tear gas mula sa panig ng mga reporters.
Nitong Lunes, tumama rin ang naturang kemikal sa mukha nina CNN International journalist Anna Cohen at crew nito.
Magugunitang balot ng tensiyon ang Hong Kong matapos magsama-sama ulit ang mahigit 30,000 na katao sa mga kalye para tutulan ang nilulutong polisiya sa pagitan ng kanilang gobyerno at bansang Tsina.