Atong Ang, ipapatawag sa pagdinig ng Senado hinggil sa mga nawawalang sabungero

Ipapatawag ng Senado ang negosyanteng si Atong Ang sa susunod na pagdinig nito upang magkaroon ng linaw ang pagkawala ng 31 sabungero.

Ayon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, padadalhan ng Senado ng subpoena si Ang dahil siya ang may-ari ng tatlong arena kung saan nawala ang mga naturang sabungero.

Sa naunang pagdinig noong Pebrero 24 ay inugnay ng kapatid ng isa sa nawawalang sabungero ang pangalan ni Ang kung saan nagbigay umano ito ng babala sa mga ‘double agent’ na nagnanakaw ng videos mula sa kanyang e-sabong firm na Lucky 8 Star Quest Inc.


Itinanggi naman ng presidente ng Lucky 8 Star Quest Inc., na si Atty. Angelo Niño Santos sa Senado na sangkot sila sa iligal na aktibidad lalo sa pakikitungo sa kanilang mga tauhan.

Sinabi ni Dela Rosa na nauna na nilang inimbitahan si Ang subalit tumanggi ito dahil sa problema sa kalusugan at nagpasabi na dadalo na lamang kapag maayos na ang kanyang pakiramdam.

Samantala, umaasa naman ang Senador na makakadalo ito sa susunod na pagdinig.

Facebook Comments