
Itinuturing na ngayon bilang pugante ang negosyante at gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang.
Pahayag ito ng Department of Justice (DOJ) matapos hindi pa rin lumulutang si Ang sa kabila ng paglalabas ng arrest warrant ng korte kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero ilang taon na ang nakalipas.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, isa nang fugitive si Ang dahil sa patuloy nitong pagtatago. Nanawagan siya kay Ang na humarap sa korte at patunayan ang sinasabi nitong pagiging inosente.
Sinabi naman ni Justice Secretary Eric Vida na bagama’t kumpiyansa ang DOJ na hindi pa nakakalabas ng bansa si Ang, hihilingin pa rin sa korte ang paglalabas ng hold departure order.
Maaari naman daw maghain ng motion to quash ang kampo ni Ang, pero hindi basta-basta aaksyon ang korte kung hindi pa siya nahuhuli o sumusuko.
Nahaharap sa patung-patong na kaso si Ang sa mga korte sa Lipa City, Batangas, San Pablo, at Sta. Cruz, Laguna kaugnay sa kidnapping with homicide sa mga nawawalang sabungero.










