
Personal na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) ang negosyante at gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang upang isumite ang kaniyang kontra salaysay kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon sa abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal, inagahan nila ang pagsusumite ng counter affidavit upang maiwasan ang kaguluhan lalo’t nasa mahigit 60 ang respondents.
Aabot sa 18 pulgada ang kapal ng counter affidavit na isinumite ng kampo ni Ang kasama ang isang USB.
Sabi ni Villareal, nakasaad sa mga dokumento ang lahat ng nalalaman ni Ang sa insidente kasama ang tunay na background ni Julie Patidongan o Alyas Totoy.
Isinumite rin nila ang video na nakita si Alyas Totoy na kasama at hawak ang isa sa mga nawawalang sabungero.
Ito aniya ang pinakamabigat na ebidensiya laban kay Patidongan lalo’t ipinresinta na rin ito ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa DOJ.
Hindi naman nagtagal si Ang sa DOJ at hindi na rin ito nagpaunlak ng panayam sa media.









