Atrasadong pagbili ng DOH ng flu vaccine, sinita ng isang kongresista

Kinastigo ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin ang Department of Health (DOH) dahil sa pagkabalam sa pagbili ng flu vaccine.

Kasunod ito ng report na ikalimang beses ng nadi-delay ang pagbili ng bakuna laban sa trangkaso na dapat ay ginawa sa unang quarter pa lang ng taon.

Sabi ni Garin, ang flu vaccine ay dapat ibinibigay sa buwan ng Hunyo o bago ang panahon ng tag-ulan bilang proteksyon laban flu season na mula Agosto hanggang Nobyembre.


Paliwanag ni Garin, na dating health secretary, taunang pumipili ang World Health Organization (WHO) ng iba’t ibang klase ng flu vaccine depende sa uri ng serotype sa kada taon.

Kaya ang punto ni Garin, sayang lang pera nakalaan para sa flu vaccine kung bibilhin ito sa huling bahagi ng taon dahil mag-iiba na ulit ang prevailing serotype sa susunod na taon.

Facebook Comments