Ikinadismaya ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang atrasadong pasya ng Energy Regulatory Commission (ERC) na suspendihin ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Giit ni Castro, dalawa hanggang tatlong araw pa lang na nag-red and yellow alerts ay dapat sinususpinde na agad ang WESM at hindi na hinihintay pa na kumita nang husto ang mga generation company o GenCos.
Para kay Castro, ang GenCos mismo ang dahilan ng pagbagsak ng supply ng kuryente kaya’t hindi tama na kahit pumapalpak ang mga ito ay patuloy pang kumikita.
Ayon kay Castro, palaging kawawa ang consumers na tatamaan ng electric bill shock tulad ng nangyari noong 2013 at ngayon ay nauulit muli.
Sinabi pa ni Castro na dapat talaga ay ang mga GenCos ang sumagot sa lahat ng gastos kapag bumagsak ang kanilang mga planta at hindi ang mga consumer.