Manila, Philippines – Idineklara ng Court of Appeals na iligal ang attorney’s fee na ibinayad ng gobyerno sa mga abugado na tumulong para maipanalo ng Pilipinas ang arbitration case na inihain ng Philippine International Air Terminals Company Incorporated (PIATCO) kaugnay sa pagtatayo ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Isa ang napatalsik na si Dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na noon ay Professor-on leave sa University of the Philippines College of Law sa mga tumulong sa OSG bilang legal researcher sa nasabing arbitration case na nilitis sa International Chamber of Commerce (ICC) sa Singapore.
Base sa rekord ng CA, ang reasonable cost na inaprubahan ng ICC para kay Sereno ay 275-thousand US dollars o P13 million.
Magugunitang iniutos ng ICC sa PIATCO na bayaran ang anim na milyong dolyar na halaga ng arbitration at kasama na rito ang bayarin para sa attorney’s fees ng mga abugado na tumulong sa gobyerno ng Pilipinas para maipanalo ang kaso.
Ang nasabing halaga kasama na ang attorney’s fees ni Sereno ay una nang nabayaran ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Pero sa desisyon ng CA Special Special 11th Division na isinulat ni Associate Justice Ramon Bato, iligal ang pagbabayad ng gobyerno ng attorney’s fees dahil ang pagkuha kina Sereno, Dating Supreme Court Justice Florentino Feliciano at iba pang abugado para tumulong sa arbitration case ay hindi dumaan sa public bidding o hindi nakatalima sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.
Ayon pa sa CA, hindi kasama sa General Appropriations Act ang ibinayad na halaga kina Sereno.
Una na ring nagpalabas ang Commission on Audit (COA) ng notice of disallowance sa ibinayad na attorney’s fees kina Sereno.