Suportado ni Vice President Leni Robredo ang planong paglulunsad na “National COVID-19 Vaccination Day” ng gobyerno ngayong Nobyembre.
Ayon sa tagapagsalita ng bise presidente na si Atty. Barry Gutierrez, magandang hakbang ito para mapataas ang vaccination rate sa bansa.
Gayunman, nangangamba ang kampo ni Robredo sa panukala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na “No Vaccine, No Subsidy” para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa ilalim nito, kasama na ang pagpapabakuna sa mga kondisyon bago makakuha ng 4Ps subsidy.
Giit ni Gutierrez, hindi dapat pilitan at takutan ang pagbabakuna.
“Si VP Leni, ilang beses na niyang sinabi ito e, na sa kanyang pananaw, hindi dapat pilitan, hindi dapat pananakot,” ani Gutierrez.
“Sa karanasan ng OVP sa Vaccine Express, meron talagang mga tao na may agam-agam sa pagbabakuna. Pero pinagmumulan ng agam-agam na ‘yon, minsan natatakot sila na kapag sila ay nagkasakit dahil di ba, yung side effects, hindi sila makakapagtrabaho at kapag hindi sila nakapagtrabaho, hindi sila kikita at hindi makakakain ang kanilang pamilya,” paliwanag niya.
Kaya sa halip na takutin, bigyan na lamang dapat ng insentibo at paigtingin ang information drive para mawala ang takot ng publiko tungkol sa bakuna.
“Maraming solusyon, hindi kailangang pwersahan, yun ang sinasabi ni VP Leni batay sa kanyang sariling karanasan. Insentibo, Ka Ely, at lalong malalim na pagpapaliwanag, community-based na proseso ng pag-encourage sa ating kababayan [na magpabakuna],” dagdag pa niya.