
Naghain ng kontra-salaysay sa Department of Justice (DOJ) ang singer at abogadong si Atty. Jimmy Bondoc kaugnay ng reklamong inciting to sedition at inciting to rebellion na isinampa laban sa kaniya.
Ito ay may kaugnayan sa kontrobersiyal na social media post ni Bondoc na may linyang, “Republic of Mindanao, coming soon.”
Iginiit ni Bondoc na ang naturang pahayag ay saklaw ng freedom of speech at walang batayan ang mga paratang laban sa kaniya.
Binigyang-diin ng dating senatorial candidate na hindi siya nananawagan ng secession o paghiwalay ng Mindanao sa Republika ng Pilipinas.
Aniya, kahit pa may mga panawagan ng ganitong uri, hindi ito agad mangyayari dahil kinakailangan pa itong dumaan sa isang mahaba at masusing proseso.
Ang reklamo laban kay Bondoc ay inihain ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng naturang social media post na inilathala noong Nobyembre ng nakaraang taon.









