Humihirit muli sa Korte Suprema si Atty. Dino de Leon na magtakda ng oral arguments para sa kaniyang petisyon na mailabas ang “health records” ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pahayag ng Pangulo sa kaniyang ulat sa bayan noong August 25, 2020 kung saan inamin nito na malapit na sa stage one cancer ang kaniyang iniindang Barrett’s esophagus, kaya pinayuhan siya ng doktor na tumigil na sa pag-inom ng alak.
Sa “Manifestation with Reiteration of Motion to Set Case for Oral Arguments”, sinabi ni de Leon na kinukumpirma ng naturang pahayag ng Presidente ang estado ng kaniyang kalusugan.
Ani de Leon, laman ito ng kaniyang petisyon na unang ibinasura ng Korte Suprema noong May 8, 2020.
Ayon sa abogado, bagama’t ayos sa kaniya ang “honest declarations” ni Pres. Duterte hinggil sa kaniyang kalusugan, ang naturang pahayag ay magdudulot lamang ng patuloy na espekulasyon at mga tsismis ukol sa tunay na estado ng kaniyang kalusugan.
Punto ni de Leon, hindi maganda na pagdudahan ang kalusugan ng Pangulo lalo kung siya ay may cancer.
Iginiit pa nito na may karapatan ang Sambayanan na malaman ang tunay na estado ng “physical and mental health” ng Presidente.
Dahil dito, hinihiling ni de Leon sa Korte Suprema na pagbigyan ang kaniyang motion for reconsideration na may petsang July 24, 2020 at magtakda ng oral arguments sa petisyon.
Dito, sakaling pagbigyan ng Mataas na Hukuman, ay kailangang maglabas ang respondents na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Executive Secretary Salvador Medialdea ng kopya ng latest medical at psychological/psychiatric examination results, health bulletins at iba pang health records mula nang maging Pangulo si Duterte.