Kaliwa’t kanang batikos ang ibinato kay dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque ng mga kongresistang namumuno sa House Quad Committee.
Hamon nila kay Roque, magpakalalaki at harapin ang isyu ukol sa umano’y koneksyon nito sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na siyang lead chairman ng Quad Committee, nakakadismaya na mas pinipili ni Roque na maging pugante sa halip na makipagtulungan at isumite ang mga dokumentong makakatulong sa imbestigasyon laban sa POGO.
Paalala naman ni House Committee on Human Rights Chairman at Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., kay Roque, hindi ito above the law, dahil ang lahat ay dapat magpasakop sa mga umiiral na batas sa bansa.
Mensahe pa ni Abante, kung totoo ang sinasabi ni Roque na wala siyang kasalanan ay dapat hindi ito magtago at mainam na ibigay na nito sa Kamara ang mga kailangang dokumento.
Giit naman ni Public Order and Safety Chairman at Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, hindi nagmamalabis ang quad committee at sa patuloy na pagtatago ni Roque ay hindi maiwasang isipin ng publiko na mukhang gulilty nga ito sa mga kinakaharap nyang alegasyon.