Naniniwala si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na mayroong pilit na naninira sa kanya para maiugnay sa iligal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO partikular sa Porac at sa Bamban.
Matatandaang unang iniuugnay si Roque na nag-aabogado sa incorporator ng Lucky South 99 na si Katherine Cassandra Li Ong at kamakailan lang ay nadakip ang isang Cambodian at Chinese national na hinihinalang konektado sa POGO sa Bamban matapos ang isinagawang raid sa isang bahay sa Tuba, Benguet na sinasabing pagmamay-ari naman ni Roque.
Sa pagharap ni Roque sa imbestigasyon ng Senado, iginiit niyang ang bahay na ni-raid sa Benguet kung saan nahuli ang dalawang dayuhan ay rehistrado na pagmamay-ari ng isang korporasyon na mayroon din siyang interes.
Inamin niya na tumira siya sa bahay na iyon noong 2019 matapos umalis sa gobyerno subalit sa kasalukuyan ay wala na sa kanya ang possession o pagmamay-ari ng bahay na ito.
Paliwanag ni Roque, ngayong taon ay pinaupahan ng korporasyon ang bahay sa isang Chinese national na si Huan Yun na legal na nakatira sa bansa dahil mayroon itong alien certificate of registration at lumabas pa na holder siya ng 9G working visa.
Umapela si Roque na magpakita ng ebidensya na kung ang dayuhang lalaki ay talagang sangkot sa POGO sa Bamban dahil kung wala naman ay tiyak siyang mayroong matinding pagsisikap para i-link siya sa iligal na operasyon ng mga POGO na kanyang unang itinatanggi.