Naghain ng supplemental counter-affidavit si Cassandra Li Ong sa Department of Justice (DOJ) ngayong Biyernes.
Kaugnay ito sa kaniyang kinakaharap na reklamong qualified human trafficking dahil sa pagkakadawit sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na Lucky South 99.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, hindi naman nakarating ang mga kapwa nito dawit sa reklamo gaya nina dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.
Humihiling daw kasi sila ng karagdagang panahon.
Sabi ni Clavano, inaasahang sa December 3 personal na maghahain ng kontra-salaysay si Roque.
Dito raw malalaman kung nasa Pilipinas pa talaga si Roque at taliwas sa ilang ulat na nakalabas na ito ng bansa.
Nauugnay si Roque sa Lucky South 99 matapos makita ng mga awtoridad ang mga bank documents at iba pang papeles na pirmado ni Roque sa sinalakay na POGO hub.