Friday, January 30, 2026

Atty. Harry Roque, nagsumite ng memorandum sa Korte Suprema kaugnay sa pagkwestiyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte

Naghain ng memorandum sa Korte Suprema si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ito ay bilang kinatawan ni Davao City Rep. Paolo Duterte kaugnay sa mga legal na argumento sa mga pinagsamang kaso na nag-ugat sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagpapadala sa kaniya sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na inilatag nila ang mga argumento kung bakit itinuturing na unconstitutional o labag sa Saligang Batas at iligal ang ginawang pag-aresto at pananatili nito sa kulungan.

Naniniwala ang dating kalihim na maaari pa ring aksyunan ng Korte ang mga kaso kahit nasa ibang bansa na ang dating presidente.

Ilan sa ipinunto sa argumento ang hindi na natin pagiging bahagi ng sa Rome Statute at kailangang sa korte dito sa bansa litisin ang sinumang gumawa ng krimen sa loob ng Pilipinas.

Kailangan din aniyang linawin ng Kataas-taasang Hukuman ang kapangyarihan ng ehekutibo at tungkulin ng mga Korte upang hindi na maulit ang mga ganitong insidente.

Dati na ring sinabi ni Roque na may warrant na umano ang ICC laban kay Senator Bato dela Rosa sa kaparehong kaso kay Duterte.

Pero nitong Disyembre, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na wala pa umano silang hawak na kopya nito.

Facebook Comments