24 oras na ikukulong sa detention facility ng House of Representatives si dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque matapos patawan ng contempt ng quad committee.
Isinulong ni Kabayan Party-list Ron Salo na ma-contempt si Roque makaraang mabatid ng komite na nagsisinungaling ito sa rason ng hindi niya pagdalo sa unang pagdinig ng quad committee sa Bacolor, Pampanga noong August 16.
Sa liham ni Roque sa committee noong Aug. 13 ay kanyang sinabi na hindi siya makadadalo sa pagdinig dahil may hearing siya sa Manila Regional Trial Court.
Pero sa certification na nakuha ng komite mula sa clerk of court ng Manila RTC ay lumalabas na wala itong hearing ng nabanggit na araw.
Nag-sorry si Roque at sinabing honest mistake ang kanyang nagawa dahil nalito siya at inakalang Biyernes ang hearing niya sa RTC at sa pagkakaalam niya ay hindi naman nagsasagawa ng pagdinig ang Kamara kapag Friday.
Nanindigan naman ang quad committee na nagsinungaling si Roque sa Kamara kaya walang kumontra sa mosyon ni Salo na dahilan para pagtibayin ito ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na siyang chairman ng Committee on Dangerous Drugs at pangkalahatang tagapangulo ng quad-committee.