Atty. Harry Roque, posibleng kasuhan ng Bureau of Immigration dahil sa umano’y iligal na paraan ng paglabas ng bansa

Pinag-aaralan na ng Bureau of Immigration (BI) ang posibleng pagsasampa ng reklamo laban kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kasunod ito ng pagkumpirma ni Roque na nakalabas na siya ng Pilipinas.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, posibleng sa iligal na paraan lumabas ng bansa si Roque lalo’t wala itong record na dumaan sa Immigration.


Maaari aniyang pineke ng dating opisyal ang kaniyang immigration clearances upang tanggapin sa bansang pinuntahan.

Ayon kay Viado, isa sa sinisilip nilang ikaso ang falsification of public documents lalo na’t nasa listahan siya ng Lookout Bulletin at kilala rin siyang tao kaya imposibleng makalusot ito sa entry at exit points na bantay-sarado maging ng mga CCTV.

Ang huli pa aniyang nakatala na biyahe nito ay mula pa noong Hulyo kung saan umuwi siya galing sa Los Angeles.

Binunyag ni Roque kanina na nasa labas na siya ng bansa kasunod ng paghahain ng counter-affidavit sa reklamong qualified human trafficking na isinampa sa kaniya dahil sa pagkakadawit sa Lucky South 99, ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na sinalakay dahil sa mga iligal nitong operasyon.

Sa ngayon, makikipag-ugnayan ang BI sa Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi kung saan ito sinasabing nanumpa para sa inihaing kontra-salaysay.

Facebook Comments