Atty. Larry Gadon, kumpiyansa na mabigat ang batayan sa inihaing impeachment vs SC Associate Justice Leonen

Naniniwala si Atty. Larry Gadon na malakas ang batayan ng inihaing impeachment case laban kay Supreme Court (SC) Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen.

Kasunod ito ng ginawang paghahain ng reklamo sa Kamara ng isang Edwin Cordevilla na Secretary General ng grupong Filipino League of Advocates for Good Government laban kay Leonen.

Ayon kay Gadon, abogado ni Cordevilla, seryoso at mabigat ang mga reklamo kay Leonen sakaling isalang na ito sa impeachment hearing ng Kamara.


Aminado naman si Gadon na wala siyang direktang ebidensya laban kay Leonen dahil mga news articles lang ang basehan ng reklamo.

Gayunman, maari naman aniyang atasan ng Kamara ang kaukulang ahensya o tanggapan para maglabas ng orihinal na kopya bilang ebidensya.

Kabilang sa reklamo kay Leonen ay culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.

Binigyang-diin ang paglabag umano ni Justice Leonen sa Section 16 Article 3 ng Saligang Batas dahil sa pagka-bigong maresolba ang hindi bababa sa 37 kaso sa loob ng mandatong dalawampu’t apat na buwan.

Bukod dito, inupuan lang din umano ni Leonen ang kasong nakasalang sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) kung saan siya ang chairperson nito.

Itinanggi naman ni Gadon na may kinalaman ang mga Marcos sa reklamo dahil kamag-anak ng pamilya ang nag-endorso sa impeachment case na si Ilocos Norte 2nd District Representative Angelo Marcos Barba.

Facebook Comments