Cauayan City, Isabela- Kusa nang nag-inhibit si Sangguniang Panlalawigan member Atty. Thomas Baccac sa pagdinig sa kasong Administratibo na kinakaharap ni Punong bayan Nieverose Meneses.
Ayon kay Baccac, unang hiniling sa Sangguniang Panlalawigan ng kampo ni Meneses na mag-inhibit sa kaso nitong kinakaharap si SP Baccac dahil sa maaaring self-interest dahil ang kanyang anak ay kasalukuyan number 1 SB member ng Nagtipunan at maaaring makaapekto ito kung sakali siya ay nasuspinde.
Dahil rito, sa usapin ng pagkakaroon ng delicadeza ay kusa na itong nag-inhibit bilang hurado sa kasong administratibo na kinakaharap ng alkalde.
Ayon pa sa nasabing opisyal, sa susunod na pagdinig ay maaaring ang kampo naman ni Mayor Meneses ang maghaharap ng kanilang mga ebidensya sa kanyang kasong iniharap ni Ginoong Loyd Toloy na kasalukuyan Tourism Officer ng bayan ng Nagtipunan na sinuspinde naman ng alkalde sa loob ng anim na buwan dahil umano sa kapabayaan nito sa trabaho at ilang reklamo na ipinarating sa alkalde.
Ayon naman kay Loyd Toloy, inabuso ni mayor Meneses ang kanyang kapangyarihan bilang Local Chief Executive ng siya’y suspendihin dahil kawalan ng sapat na kadahilanan kaya naman siya ay nagsampa ng kaso sa Sangguniang Panlalawigan na ngayon ay kasalukuyan pa rin dinidinig sa konseho ng lalawigan.