Pinapaamyendahan ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang 43 taong State Audit Code.
Ang rekomendasyon ng minority lawmaker ay bunsod na rin ng isyu na 2020 Commission on Audit (COA) audit report sa Department of Health (DOH) kung saan kinakitaan ng P67.32 billion deficiency o kakulangan sa COVID-19 response ang ahensya.
Dahil dito, umaapela si Fortun sa COA, Accounting Standards Council (ASCo, at Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA) na imungkahi sa Kongreso na bumalangkas na ng lehislasyon para sa kinakailangang amyenda o overhaul sa Presidential Decree 1445 o Government Auditing Code of the Philippines.
Ayon kay Fortun, nakadepende ng husto ang Kongreso sa annual audits ng COA sa mga ahensya ng gobyerno para ma-i-evaluate ang performance ng mga ito at maalerto sakaling may kahina-hinalang anomalya sa paggamit ng pondo ng bayan.
Paliwanag ni Fortun, sa tagal ay napapanahon nang i-update at i-upgrade ang concepts at practices ng State Audit Code ng bansa dahil ang global accounting at auditing standards sa buong mundo ay patuloy na nagbabago.
Mahalaga aniyang mabigyan ang COA ng kapangyarihan at kaparaanan para mapagsilbihan nang maayos ang interes ng publiko.