Audit sa flood control projects, sinimulan na ng COA

Inatasan ng Commission on Audit (COA) ang Performance Audit Office (PAO) na magsagawa ng masusing pagsusuri sa flood control projects ng pamahalaan matapos ang patuloy na pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit-probinsiya.

Sa memorandum na nilagdaan ni COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba, ipinag-utos nito ang agarang performance audit alinsunod sa COA Resolution No. 2024-018 na ipinatupad noong Disyembre 16, 2024.

Pinagtibay ng nasabing resolusyon ang Performance Audit Portfolio (PAP) para sa 2024-2026, kung saan nakapaloob ang 30 programa at proyekto na isasailalim sa performance audit gamit ang risk-based approach.

Isa sa mga pangunahing saklaw ng PAP ay ang flood risk management and resiliency program, na kinabibilangan ng mga flood control project.

Ayon sa COA, susuriin ng PAO kung ang mga proyektong ito ay epektibong nakapigil o nakabawas sa epekto ng pagbaha, lalo na’t bilyon-bilyong pisong pondo na ang nailaan ng pamahalaan para rito.

Ang bagong direktiba ni Cordoba ay bilang tugon na rin sa pagkabahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa matinding pinsalang dulot ng baha sa kabila ng patuloy na paggastos para sa mga imprastruktura at flood control measure.

Binigyang-diin ng pangulo na dapat masiguro ang maayos na paggamit ng pera ng taong-bayan at matamasa ng mga Pilipino ang magandang resulta sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.

Ang COA Resolution No. 2024-018 ay nakabatay sa international auditing standards gaya ng International Standards of Supreme Audit Institutions at sa Performance Audit Manual ng COA.

Layon nitong matiyak na ang mga audit ay nakatuon sa malalaking isyu at nakaayon sa pambansang prayoridad tulad ng Philippine Development Plan, Sustainable Development Goals at AmBisyon Natin 2040.

Inatasan din ang PAO na agad isumite ang kanilang report pagkatapos ng audit upang magabayan ang susunod na hakbang ng pamahalaan at matukoy kung saan pumapalya ang mga proyekto.

Facebook Comments